Isang rebyu ni Ronald Taggaoa, titser sa pilosopiya ng Saint Louis University, sa tulong ni Joel Capulong para sa Book Launching sa UP Baguio 22 Sep 2015

Ang librong Louie Jalandoni, Revolutionary: An Illustrated Biography ay isang pagsasalaysay sa tinahak na landas at ang traspormasyon ng isang pambihira at kahanga-hangang buhay ni Ka Louie, ang chief negotiator ng National Democratic Front (NDF) sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at ng gobyerno ng Pilipinas.

Ito ay isang talambuhay –ng isang haciendero, mayaman, isang pari, (guwapo at matalino pati! Nagtapos bilang balediktoryan sa kolehiyo ng De la Salle, nag-aral sa Roma ng Telohiya, pagkatapos ay naging estudyante ng pilosopong si Karl Rahner sa Alemanya.) Talambuhay ng isang naging rebolusyonaryo. Talambuhay, mula sa sa mga katagang “tala ng buhay”. Talaan o listaan ng mga pangyayari at karanasan ng buhay. Pero higit dito ay bigyang-pakahulugan ang salitang “tala” bilang “pagganap ng pangunahing papel” at tunay nga na si Ka Louie ay isang star ng rebolusyon.

Ibang-iba ang talambuhay sa kathambuhay. Ang kathambuhay ay kwentong-katha o kathang-isip. Ang ilang halibawa nito ay ang mga paborito niyong characters: si Katniss Everdeen ng The Hunger Games, si Beatrice “Tris” Prior ng Divergent series, si Peter Parker ng Spiderman, o di kaya’y si Harry ng Harry Potter (na ayon sa isang Dep-Ed K12 teksbuk ay nobela mula sa Estados Unidos!).

Ang pagsisikap na mailimbag ang talambuhay na ito ay isang hindi matatawarang obra sa gitna ng mga kathang-isip na mga nobelang nabanggit ganunpaman ang naitutulong ng mga ito sa panandaliang diwang-mapanghimagsik ng mambabasa. (Ilang beses niyo rin sigurong itinaas ang “three-finger salute” ng District 12 sa nobelang The Hunger Games o di kaya ay ginamit niyong profile picture ang Mockingjay, isa pang simbolo ng kanilang pagsuway at paglaban.) Higit na napapanahon din ang kwentong-buhay ni Ka Louie bilang mas mahusay na pananaw tungkol sa tunay na pag-ibig– ang pagmamahal sa bayan (hawig sa tula ni Gat Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagka-dalisay at pagka-dakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa”), at ang pagmamahalan nila ni Coni Ledesma ang kaniyang naging gerlpren, kabyak at kasama ay nakaangkla sa adhikain ng lipunang pagbabago. Sa kaniyang essay na Theological Paper noong 1973, kaniyang itinanong: “Dapat ba tayong kahinaan ng loob at matakot kaya ingatan na lang natin ang ating mga sarili? Di ba mas karapat-dapat mangahas magmahal at maglingkod sa bayan dahil tayo ay may pag-asa?” Ang pag-ibig sa tinubuang lupa at pag-ibig na nakaangkla sa rebolusyonaryong adhikain ay mas mataas na lebel ng pagmamahalan– kaysa sa mababaw, mapanlinlang, petiburgis, o komersyalisadong tipo ng pag-ibig na isinisiwalat ng obsesyong #Aldub.

Pinadaloy ang pagsasalaysay ng buhay ni Louie Jalandoni sa mabisang paraang madaling maiintindihan ng bawat mambabasa– mula sa mga intelektwal hanggang sa mga ordinaryong tao. Bagamat wikang ingles ang ginamit na midyum ng manunulat, nasasapul nito ang gustong iparating sa bawat mambabasa dahil sa mahusay na sining biswal liban pa sa mga maikling buod at kwento ukol sa mga katangian ni Ka Louie na ginawang pambungad sa bawat kabanata. Iginuhit at isinalarawan ng iba’t ibang artistang biswal ang mga detalye ng buhay ni Ka Louie sa iba’t ibang estilo kaya naman naging buhay na buhay ang pagsasalarawan nito mula sa Unang Kabanata hanggang sa Ika-sampu.

Sa pabalat pa lang ng aklat na ito ay may pagsulyap na kaagad sa buhay ni Ka Louie. Sa cover picture, pintura ni Rafael Maniago ng Portrait Society of America, ipinapakita ang mga manggagawa at magsasaka sa kanilang pagkilos at pagkakaisa para isulong ang lipunang pagbabago. Walang duda na ang mga ito ay siyang naging inspirasyon at lakas sa ilan ng dekadang pagkilos ni Ka Louie. Makikita rin ang mga sakada (mga sugarcane workers) na siyang unang nagparamdam at nagpakita kay Ka Louie sa riyalidad ng kahirapan at pang-aapi. Sa kanilang dukhang kalagayan, siya ay napaiyak at nabagabag. Sa krisis na ito– existential angst ayon sa pilosopiyang Existentialism, ang kalituan at pagkaligalig kabilang na ang ang pagkwestyon o pagdududa sa personal na prinsipyo at pananaw– napagpasiyahan niya na ibenta ang kaniyang parte’t minanang ekta-ektaryang sakahan. Ang tugon na ito ay maaaring pinatingkad ng kaniyang religious studies bilang isang pari at gabay mula sa Mateo 6:24 “Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.”

Kung ganun, simula’t sapul ay mayroon na materyalismong batayan ang transpromasyon ni Ka Louie– mula sa isang haciendero tungo sa isang rebolusyonaryo. Nakita, naramdaman, at naunawaan niya ang lipunang ginagalawan niya. Ito ay isang pas-usbong ng Materialismo, bagamat rudimentary aspects pa lamang sa kamalayan ni Ka Louie. Ang pag-unlad ng kaniyang kamalayang pampulitika ay aapurahin ng kaniyang direktang pakikilahok sa pakikibaka ng mga sakada para sa makatarungang sahod, karapatang mag-unyon, at laban sa landgrabbing. Mula sa simpleng gawaing social action pastoral ministry na nakapukos sa mga seminar tungkol sa pangkalusugan at edukasyon, si Ka Louie ay namuno sa programang Church to the Barrios na naglalayong maorganisa at mabigyan ng pag-unawa sa pulitika at karapatang-pantao ang mga sakada, magsasaka at mga komunidad.

Sa panahong mga ito ay lumaganap sa simbahang Katoliko ang Liberation Theology. Ang pilosopiya ng populistang kilusang ito sa mga simbahan ay nakabatay pangunahin sa mga sumusunod na pananaw: (1) ang simbahan ay dapat makilahok sa mga pang-araw-araw na laban ng mga tao para sa dignidad, (2) si Hesus ay isang radikal, leftist, rebolusyonaryo, at sa salita ni Fr. Camilo Torres ng Colombia National Liberation Army (namatay sa labanan noong 1966), “Kung buhay si Hesus ngayon, siya ay isang gerilya,” at (3) obligasyon na isabuhay ng mga kristiyano ang kanilang paniniwala, bilang mga propeta tulad nina Isaiah, Jeremiah, o tulad mismo ni Hesus na nagalit sa mga moneylenders, nagbigay ng libreng lunas, at ayon sa literary critic na si Terry Eagleton, si Hesus ay isang tinik sa bahagi ng pamahalaan at panggulo sa naghaharing-uri.

Sa kalaunan, kahit man may impluwensya (sa pamamagitan ni Bishop Fortich) sa kaniyang pagkilos ang nabanggit na telohiya at social action pastoral ministry, unti-unti rin naintindihan ni Ka Louie ang halaga ng rebolusyonaryong teorya– ang pangangailangang maunawaan ang lipunan bilang isang mundo ng pag-iral ng sagupaan at kontradiskyon sa pagitan ng luma at bago, ng kapitalismo at ng komunismo, ng naghaharing uri at ng uring pinagsasamantalahan. Noong una ang kaniyang pag-unawa sa mga problema ng mamamayan ay batay lamang sa Materialismo, ngayon tuluyan ng umunlad dahil sa pagtanggap sa Dialectic Materialism.

Si Ka Louie ay patunay na hindi nagbabangga ang Kristiyanismo at Marxismo, ang pagsamba at pakikibaka. Sa kaniya, ang paniniwala ay naisasapraktika sa paglilingkod sa sambayanang api at dukha– “Mahalin ang kapwa, Paglingkuran ang Sambayanan! Makibaka para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya!”

Sa Paunang Salita ay mahusay na nailahad ni Jose Maria Sison sa pitong puntos ang mga sakripisyo ni Louie Jalandoni para sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino mula sa mahigpit na pagtangan sa mga prinsipyo’t tungkulin hanggang sa mapagmahal at mapagmalasakit na pakikitungo sa bawat kasapi ng kilusan at masa.
Tagos sa puso ang pagsisikap kapwa ng manunulat at mga artistang biswal na maisalarawan kung paano nasasaktan at nanlulumo si Ka Louie sa mga pandarahas sa mga mamamaya lalo noong paslangin ang mga magsasaka sa Mendiola noong 1987. Mararamdaman ng bawat mambabasa kung paano literal na umagos ang luha sa mukha ni Ka Louie sa mga panahong dinudurog ng pasistang mga rehimen ang mamamayang ang hiling lamang ay nakabubuhay na sahod, lupang matatamnan at buhay na may dignidad.

Si Louie Janlandoni ay isang buhay na halimbawa ng tunay na rebolusyonaryo na nagtataguyod ng simpleng pamumuhay at ang halaga ng direktang pakikisalamuha sa batayang masa. Sa kaniyang pakikipamuhay sa mga ordinaryong tao, siya ay natuto, at nahubog mula sa pagiging haciendero tungo sa pagiging aktibista pari, rebolusyonaryo at komunista.
Ang ganda ng talambuhay niya– basahin natin at ibahagi sa iba. Sa panahong tulad ni Taylor Swift o ng Gilas Pilipinas lamang ang iniidolo ng kabataang Pilipino ayon sa isang sarbey, mainam na maipakilala si Ka Louie bilang alternatibo at nawa ay magbigay ng inspirasyon sa kanila na lumahok sa kilusang pagbabago. Ang libro ay nagbibigay din ng isang balik-tanaw sa nakaraan. Sa aking pagbasa nito ay nag time travel ako parang Back to the Future. Napapanahon din ang librong ito dahil ipinapakita nito ang aktwal na mukha ng Martial law at magsisilbing panangga sa mga hangaring rebisahin ang kasaysayan at pabanguhin si Marcos.
Ito ay ilan lamang sa mga magagandang katangian ng libro na mahusay na nagpapakita ng dakilang katangian ni Louie Jalandoni. Kung gaano kahusay ang buhay ni Ka Louie, ganun din ang pagkagawa ng libro bilang paggalang at paghanga sa kaniya. Kasiya-siya ang mga komiks na gawa ng mga mahuhusay at kilalang artista. Sinong magsasabing kasama sa kanila ang may kinalaman sa paggawa ng komiks na X-Men?

Iilan na lamang ba ang katulad ni Louie Jalandoni sa ngayon? Ang sagot sa tanong na iyan ay nasa inyo din. Si Ka Louie ay tunay ngang rebolusyornaryo, inuga at patuloy na inuuga ang pundasyon ng bulok na sistema. Siya ay isang ehemplo ng buhay na hindi iginapos ng baluktot na konsepto ng tagumpay batay sa pagpapayaman o dami ng pag-aari. Tila ba narinig niya ang hamon ng pilosopong si Socrates: “Di ba kayo nahihiya sa buhay na inalay sa pagkamal ng yaman at mga papuri, habang napakaliit ng inyong oras sa usapin ng katarungan, katotohanan o kabutihan?”

Ang gandang libro sa isang kahanga-hangang rebolusyonaryo. Salamat sa librong ito! Salamat sa nagsulat! Salamat sa mga artistang nag-alay ng oras sa katuparan nito. Higit sa lahat, sa buhay na iniaalay sa sambayanang Pilipino, maraming salamat sa iyo Ka Louie Jalandoni! Mabuhay ka!

Advertisements